GOLDEN JUBILEE CELEBRATION OF THE DIOCESE OF CABANATUAN

This is the official jubilee logo of the GOLDEN JUBILEE celebration of the Diocese of Cabanatuan.

LET US SUPPORT TO BUILD St. JOSEPH CHURCH

St. Joseph The Husband of Mary Parish.

SAN PEDRO CALUNGSOD CHAPEL BLESSING

Sitio Pineda, Brgy Bagong Sikat, Cabanatuan City

MEDICAL and DENTAL MISSION 2013

Alay Pasasalamat sa Ikalimang Anibersaryo ni San Jose.

PASASALAMAT, PANANALIG, PAGLILINGKOD

Ikalimang TAONG Anibersaryo sa taon ng Jubileo.

Monday, June 4, 2012

PANALANGIN SA PAGHAHANDA SA PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON


PANALANGIN SA PAGHAHANDA SA PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON NG JUBILEO NG DIOCESIS NG CABANATUAN
(1963-2013)
Amang Makapangyarihan, bilang isang sambayanan, kami ay sama-samang naghahanda sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng pag-iral ng Diocesis ng Cabanatuan.
Buong kababaang loob naming kinikilala at ipinagpapasalamat ang mga biyayang kaloob mo sa amin bilang isang Sambayanan, lalo na ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Nagpapasalamat kami sa  pagyabong ng aming pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan na patuloy na nagpapadalisay sa amin.
Itinataas namin sa iyo ang mga adhikain ng aming diocesis, sa pangunguna ng aming Obispo, Kaparian at mga Lider Layko. Hangad namin na maging isang sambayanang nakasentro kay Kristo. Akayin Mo kamin tungo sa banal na pamumuhay. Maging marangal nawa ang aming pagkatao. Taos-puso nawa kaming makapaglingkod, alang-alang sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos. Patuloy nawa kaming maglakbay nang may pag-asa at galak, tungo sa kaganapan ng buhay. 
Sa taong ito ng aming paghahanda sa ika-50 taong anibersaryo ng Diocesis ng Cabanatuan, mapukaw nawa ang kamalayan ng bawat binyagan  ukol sa yaman ng aming pananampalataya at kasaysayan.  
Maging mabiyaya nawa para sa aming lahat ang pagdiriwang ng aming Ginintuang Jubileo, upang kami ay patuloy na makapagtalaga ng aming mga sarili bilang mga saksi ng Mabuting Balita     
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo,magpasawalang hanggan. Amen.
Mahal na Birheng Divina Pastora, ipanalangin mo kami.
Mahal na Birheng Pastora, ipanalangin mo kami.
San Nicolas de Tolentino, Ipanalangin mo kami.

Wednesday, May 30, 2012

PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON NG JUBILEO (1963-2013)


Pagdiriwang ng Ginintuang Taon ng Jubileo (1963-2013)
LIHAM PASTORAL BLG. 3 Serye ng 2012

PARA SA:      Kaparian at Mga Relihiyoso, Mga Tagapangasiwa ng mga Paaralang Katoliko, Pamunuan ng DCL, PPC, BPC at LARM, at Sambayanang Katoliko sa Diocesis ng Cabanatuan  
MULA SA:         Tanggapan ng Obispo
TUNGKOL SA: Paglulunsad sa Taon ng Paghahanda para sa Ginintuang Taon ng   Jubileo ng Diocesis ng Cabanatuan
___________________________________________________________________________
Pagbati ng Kapayapaan!

Ang bawat Kristiyanong Sambayanan ay laging may nililingong pinagmulan na nagbibigay daan sa isang masayang pagdiriwang at paggunita na kumikilala sa mga biyaya at walang maliw na paglingap ng Diyos sa kanyang nagdaang kasaysayan.  Ang ganitong pagdiriwang ay tinatawag na Jubileo, galing sa salitang Hebreo na “yobel” na tumutukoy sa sungay ng lalaking tupa na hinihipang tumunog upang ipahayag sa mga Israelita ang isang natatanging pagdiriwang ng pag-aalaala at pasasalamat ng buong sambayanan.  Kung ating magugunita sa pagpasok natin sa ikatlong milenyo, ipinagdiwang ng Simbahan ang Dakilang Jubileo noong taong 2000 sa ilalim ng pamumuno ng yumaong Santo Papa Juan Pablo II.  Naging isa itong dakilang pagkakataon ng pag-alala sa hiwaga ng pagkakatawang tao at pagliligtas ng ating Panginoong Jesus, at ng pagpapanibago ng buong Simbahan tungo sa mas malalim na pagsasabuhay ng pananampalataya at pagpapahayag ng Paghahari ng Diyos.

Ang ating Diocesis, ang Simbahang lokal dito sa lalawigan ng Nueva Ecija, ay magdiriwang din ng kanyang Ginintuang Taon ng Jubileo sa darating na ika-3 ng Hunyo 2013. Nais nating gunitain ang ating pagkakatatag bilang isang diocesis, ipagpasalamat ang abut-abot at di-malirip na biyaya ng Diyos sa ating Sambayanan, at panibaguhing muli ang ating mga pagtatalaga ng sarili sa pananampalatayang Katoliko at sa Simbahang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno.  Bilang isang Sambayanan, marami tayong pinagdaanan na humubog sa atin upang maging matatag sa ating pananampalataya.  Marami na tayong sama-samang napagtagumpayan, mga dinaanang iba’t ibang panahon, pamamahala at pamunuan.  Subalit naririto pa rin tayo, sa tulong at pagkalinga ng Diyos ng Kasaysayan, nananatiling nakatayo at nagbibigay patotoo sa pahayag ng Panginoong Hesukristo kay Apostol San Pedro: “Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya, at di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impiyerno” (Mateo 16:18).

Kung ating babalikan ang kasaysayan sa halos 2,000 taon ng pag-iral ng ating Simbahang Katolika, ang pananampalatayang Kristiyano ay dumating sa ating lalawigan noong huling bahagi lamang ika-16 na siglo sa pamamagitan ng mga misyonerong Agostino.  Ang unang misyong Agostino ay dumating sa Gapan noong 1595, sa Santor (Bongabon) noong 1636 at sa Cabanatuan noong 1700.  Nang matapos ang mga Agostino sa kanilang pagmimisyon, dumating naman ang mga Fransiskanong misyonero na nagpatuloy sa kanilang pinasimulang misyon: noong 1760 sa Bongabon, 1843 sa San Antonio at San Isidro, 1846 sa Talavera, 1853 sa Penaranda, 1856 sa Jaen, 1859 sa Aliaga at Zaragoza at 1878 sa Sta. Rosa.  Pagkaraan ng mahabang panahon, noong ika-16 ng Pebrero 1963, natatag ang Diocesis ng Cabanatuan mula sa mga nasasakupang pook at parokya ng Arkidiocesis ng Lingayen-Dagupan at dating Diocesis ng San Fernando, Pampanga.  Kasunod nito, pinasinayaan noong ika-4 ng Hunyo ang bagong tatag na Diocesis ng Cabanatuan na dati’y sumasakop sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.  Sa ngayon ang ating diocesis ay binubuo na ng 29 na parokya, may sariling Seminaryo na pook ng paghubog para sa mga nais maging pari, mga paaralang Katoliko, mga aktibong samahang pangsimbahan at mga lider-laykong masugid na naglilingkod sa Sambayanan.  Ang mga ito at ang di-mabilang na mga biyayang natanggap natin bilang Sambayanan ang nais nating gunitain, ipagbunyi at ipagpasalamat sa Panginoong Diyos. 

Kaya’t sa pagdiriwang natin ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Muling Nabuhay, nais namin kayong anyayahan sa isang pagbabalik-tanaw at pagdiriwang sa natatanging kasaysayan ng ating Simbahan dito sa Diocesis ng Cabanatuan. Sa darating na ika-2 ng Hunyo 2012, araw ng Sabado, sa Plaza Lucero sa Lungsod ng Cabanatuan, sa ganap na ika-anim at kalahati ng umaga, sama-sama nating ilulunsad ang pagdiriwang sa Taon ng Paggunita bilang pasimula ng isang buong taong paghahanda para sa dakilang araw ng Ginintuang Taon ng Jubileo.  Inaasahan  namin ang inyong aktibong pagdalo at ganap na pakikiisa sa natatanging pagdiriwang na ito para sa Simbahang mahal sa atin at sa pananampalatayang kaloob ng Diyos sa atin.  Para sa mga detalye at programa, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong mga Kura Paroko, at sa pamunuan ng PPC at BPC.  Hangad namin ang isang mabunga at makahulugang pagdiriwang sa bawat parokya at sa ating diocesis.  Sa pamamatnubay at panalangin ng La Virgen Divina Pastora, magbigay daan nawa ito sa ating ganap at dalisay na pagpapanibago bilang Sambayanan ng mga alagad at mabuting katiwala.

Panghuli, ipinagtatagubilin namin sa lahat ng mga Kura Paroko na basahin ang Liham Pastoral na ito sa mga pagdiriwang ng Salita ng Diyos at sa Banal na Misa ngayong Sabado at Linggo, ika-19 at 20 ng Mayo. 

Ipinagkaloob sa Tanggapan ng Obispo sa Lungsod ng Cabanatuan ngayong ika-18 ng Mayo 2012.
                                                                                                                                                                     
+SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
                                                                                         Bishop of Cabanatuan
NOEL J. JETAJOBE, SSL
           Chancellor        

Tuesday, May 8, 2012

VISIT OF THE OUR LADY OF THE ROSARY OF MANAOAG

Ang Pilgrim Image of Our Lady of Manaoag mula sa Pangasinan ay nakatandang bumusita sa ating parokya.

Inaanyayahan ang lahat na sama-samang salubungin ang imahen ng Mahal na Birhen sa Huwebes, ikalabing-pito ng Mayo, sa ganap na ika-apat ng hapon.

Magkakaroon din ng prusisyon para sa karangalan ng Mahal na Birhen sa Miyerkules, pagkatapos ng Misa sa ikalima at kalahati ng hapon.

Mananatili sa Simbahan ang Imahen ng Mahal na Birhen ng Manaoag hanggang Biyernes, ikadalawamput-lima ng Mayo.


VISIT OF THE OUR LADY OF THE ROSARY OF MANAOAG
May 17-25, 2012

May 17         Arrival of the Our Lady of the Rosary of Manaoag
                   7:00 am                  Advance Party Goes to Manaoag
                   4:00 pm                  Arrival of Our Lady of the Rosary of Manaoag
                   5:30 pm                  Welcome Mass
                   6:30 pm-10:00 pm   Rosary Vigil
May 17-25     Masses in honor of the Our Lady of the Rosary of Manaoag
                   6:30 am                 Mass
                   4:30 pm                 Rosary
                   5:30 pm                 Holy Eucharist
                   6:30-pm-10:00 pm   Rosary Vigil
May 20 (Sunday)    
                   6:15 am        1st Mass
                   8:00 am        2nd Mass
                   9:30 am        3rd Mass
                   4:00 pm        4th Mass
                   5:30 pm        5th Mass
May 23         Procession in honor of the Our Lady of the Rosary of Manaoag
                   6:30 am        Mass
                   4:30 pm        Rosary
                   5:30 pm        Mass
                   6:30 pm        Procession
May 24         Feast Day of Mary Help of Christians
                   6:30 am         Mass
                   4:30 pm         Rosary
                   5:30 pm         Mass
                   6:30-pm-10:00 pm   Rosary Vigil
                              
May 25         Departure of the Our Lady of the Rosary of Manaoag
                  
7:00 am      Holy Eucharist and Solemn Coronation of Our Lady  of the Rosary of Manaoag

                   9:00 am        Departure to Manaoag

Friday, April 27, 2012

“IDALANGIN NINYO SA DIYOS NA MAGPADALA SIYA NG MGA MANGGAGAWA SA KANYANG BUKIRIN”


“IDALANGIN NINYO SA DIYOS NA MAGPADALA
SIYA NG MGA MANGGAGAWA SA KANYANG BUKIRIN”
Liham Pastoral Blg. 2
Serye ng 2012

 Minamahal na bayan ng Diyos:

Ang kapayapaan ng Panginoong Muling Nabuhay ay sumainyong lahat!

Ang ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay kilala bilang Linggo ng Mabuting Pastol, at itinalaga ng ating Inang Simbahan bilang Pandaigdigang Araw ng Pananalangin Para sa Bokasyon. Ang pagdiriwang na ito ay itinatag ng yumaong Papa Pablo VI noong taong 1963 bilang tugon ng Simbahan sa atas ni Hesus na taimtim na manalangin sa Ama na magpadala pa siya ng mga manggagawa para sa kaharian ng Diyos. Matatandaan natin ang isang tagpo sa Ebanghelyo ni San Mateo na kung saan si Hesus, matapos niyang makita ang napakaraming tao na lito at lupaypay – parang mga tupang walang pastol – ay labis na nahabag sa kanila. Sinabi ni Hesus: “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.” (Mt. 9:36-38)

Hindi natin maipagkakaila na isa sa mga malalaking alalahanin ng buong Simbahan sa kasalukuyan ay ang kakulangan ng mga bokasyon sa pagpapari at sa buhay relihiyoso at relihiyosa. Ayon sa ilang pag-aaral, malaki ang ibinaba ng proporsyon ng mga pari sa mga bilang ng mga binyagan dito sa ating bansa sa nakaraang mga taon. Sa ating diocesis man, bagama’t may sapat na mga programa at gawain dito upang tugunan ang pangangailangang pastoral at espirituwal ng mga mananampalataya, kapos pa rin ang bilang ng mga pari upang lubos na mapangalagaan ang kapakanan ng buong sambayanan.

Gayunpaman, batid natin ang katapatan ng Diyos sa kanyang pangako sa atin na magpapadala siya ng mga pastol na mamamahala sa kanyang bayan ng buong katalinuhan at pagkaunawa. (Jer. 3:15) Sa kabila ng napipintong “krisis sa bokasyon,” inaanyayahan tayong lahat na lubos na magtiwala sa kilos ng Espiritu Santo at sa kalooban ng Ama na siyang tumatawag at humihirang ng mga alagad ni Hesus. (Pastores Dabo Vobis 1) Kaakibat ng pananalig natin sa pangakong ito ng Diyos ay ang ating pagsasabalikat ng mahalagang pananagutan na makiisa sa pagpapalago ng bokasyon sa pagpapari at pagkarelihiyoso. Malinaw na itinuturo ng Simbahan na “nakasalalay sa buong pamayanang Kristiyano ang tungkulin ng pagpapalago ng mga bokasyon sa pamamagitan ng ganap na pamumuhay bilang mga Kristiyano.” (Optatam Totius 2) Kaya naman, habang tayo’y nananalangin sa araw na ito para sa paglago ng mga bokasyon sa Simbahan, hinihimok ko kayong lahat na italaga ang inyong sarili upang maging mga tagataguyod ng bokasyon sa ating diocesis.

Sa pagkakataong ito, hayaan ninyong ituon natin ang ating pansin ukol sa nararapat nating mga pagkilos at gawain bilang mga binyagan upang dumami ang tumugon sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso.

Una, manalangin para sa ikalalaganap ng bokasyon. Kung ating lilimiin ang pamamaraan ng pagtawag ni Hesus sa kanyang mga Apostol, ang paghirang niya sa mga ito ay naganap sa konteksto ng panalangin. Bago niya pinili ang kanyang mga alagad, magdamag na nanalangin si Hesus upang matanto ang kalooban ng Ama at upang ipagdasal din ang kanyang mga hinirang. (Lc. 6:12-13) Gayundin naman, ang Diyos ay tumatawag ng kanyang mga alagad sa isang nananalanging komunidad o pamilya. Ayon kay Papa Benedicto XVI, “ang bokasyon sa pagpapari at pagkarelihiyoso ay bunga ng madalas na pakikipag-ugnayan sa Diyos at maalab na pananalangin sa mga pamayanan, pangkat at pamilya.” (Mensahe para sa 2011 Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon) Ang ating diocesis, sa pamamagitan ng Diocesan Vocations Commission, ay nagtatag ng “Prayer Warriors for Vocation.” Ang mga kasapi nito ay nangangako sa Diyos na kanilang araw-araw na ipagdarasal ang paglago ng mga bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso. Malugod kong inaayayahan ang lahat na makilahok sa araw-araw na pananalangin para sa bokasyon, at maging kasapi ng “Prayer Warriors for Vocation”.

Ikalawa, manghikayat ng mga kabataan na maglingkod sa Simbahan bilang pari o madre. Itinatagubilin din sa atin ng Santo Papa Benedicto XVI na “bigyang pansin ang mga kabilang sa pamayanan na nakararamdam ng tawag ng paglilingkod sa Simbahan. Ang Simbahan ay dapat na lumikha ng mga kalagayan at kondisyon upang tumugon nang buong puso ang mga kabataan sa tawag ng Diyos.” (Mensahe para sa 2011 Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon) Aking ipinapamanhik sa bawat pamayanang Kristiyano, lalo na sa mga pamilya, na pukawin sa kanilang mga kabataan ang pagtugon sa tawag ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang inspirasyon at pagsaksi sa buhay pananampalataya; panghihikayat at paggabay na sundin ang kalooban ng Diyos; at pagpapalalim ng kanilang ugnayan sa kapwa at sa Diyos. Hinihiling ko rin na inyong taos-pusong suportahan ang mga gawain ng Diocesan Vocations Commission sa kanilang pag-anyaya sa mga kabataan sa ating mga paaralan at pamayanan upang sumibol sa kanila ang binhi ng bokasyon. Sa inyong tulong, magkaroon nawa ang bawat parokya at paaralan sa ating diocesis ng kahit isang seminarista mayor bilang handog natin sa dakilang pagdiriwang ng ginintuang hubileyo ng ating diocesis sa susunod na taon.

Panghuli, hinahamon tayong mga binyagan upang isabuhay ang bokasyong ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa bisa ng Binyag at sa paglukob ng Espiritu Santo, ang lahat ng mga Kristiyano ay pinagkalooban ng Diyos ng pangunahing bokasyon na magmahal at maging banal. Tungkulin nating ipahayag ang paghahari ng Diyos anuman ang ating kalagayan at natatanging bokasyon sa buhay. Katulad ni Mahal na Birheng Maria na mapagpakumbabang tumugon sa tawag ng Diyos upang maging Ina ng Tagapagligtas, tahakin nawa natin ang landas ng kabanalan sa pamamagitan ng tapat at dalisay na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At kung paano tayong naaakit sa buhay at pagkatao ni Maria, makaakit din nawa ng mga kabataang maglilingkod sa Diyos ang ating tapat na pagsasabuhay ng ating mga bokasyon.

Sa pagdiriwang natin ng Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon, maging bukas nawa ang ating isip at puso upang tayo’y makinig at tumalima sa tinig ng Mabuting Pastol, na “magdadala sa atin patungo sa buhay na masagana at ganap.” (Jn. 10:10) Sa tulong ng panalangin ng La Virgen Divina Pastora, ang Ina ng Mabuting Pastol, magbunga nawa ang ating mga panalangin at pagkilos upang patuloy na magpadala ang Diyos ng mga pastol na mangangalaga sa kanyang bayan.

Ipinagtatagubilin naming basahin ang Liham Pastoral na ito sa lahat ng mga pagdiriwang ng Salita ng Diyos at Banal na Misa ngayong Sabado at Linggo, ika-28 at ika-29 ng Abril 2012.

Nilagdaan sa Tanggapan ng Obispo ng Cabanatuan sa Lunsod ng Cabanatuan ngayong ika-25 ng Abril 2012, sa Kapistahan ni San Marcos Ebanghelista.




+SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
Obispo ng Cabanatuan

PANALANGIN PARA SA BOKASYON


PANALANGIN PARA SA BOKASYON
(Darasalin matapos ang pakikinabang sa pagdiriwang ng Linggo ng Mabuting Pastol, 29 April 2012)

Ama naming makapangyarihan,
isinugo mo ang iyong bugtong na Anak
upang tubusin kami sa kasalanan
at ipalaganap ang iyong paghahari sa lupa.
Padaluyin mo ang iyong biyaya sa aming mga puso
upang maganap namin ang pangunahing bokasyon
na maging banal at kalugod-lugod sa iyong paningin,
at maging mga saksi
ng iyong walang maliw na pag-ibig.
Umusbong nawa sa aming Simbahan
ang mga bokasyon ng pagtatalaga at paglilingkod.
Pagpalain mo itong aming parokya
at ang aming diocesis
ng mas marami pang kabataan
na tutugon sa iyong tawag upang maglingkod
bilang mga pari, relihiyoso at relihiyosa.
Magpadala ka pa ng mga hinirang
na mangunguna sa amin
sa pagsamba sa Iyo at paglilingkod sa kapwa.
Maging bukas nawa ang kanilang puso
sa Iyong banal na tawag
nang makasunod sila sa iyo
ng may pag-ibig at kagalakan.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
AMEN.

Mahal na Birheng Divina Pastora, ipanalangin mo kami.
San Nicolas de Tolentino, ipanalangin mo kami.
San Juan Maria Vianney, ipanalangin mo kami.

Sunday, April 22, 2012

Custodia di Terra Santa



Dear Brothers and Sisters in Christ!

Happy Easter to all!

I am very happy to convey to you that our humble request to the Franciscan Custody of the Holy Land for the relic of St. Joseph is granted. This is a blessing from the Lord and a manifestation of St. Joseph’s favor to all of us.
This will certainly bring spiritual blessings to our parish community. Thank you very much for the prayers. May God bless us all!


Fr. Jose Salvador D. Mallari
Parish Priest 

Custodia di Terra Santa
Segreteria - Comunicazioni


Peace and Good!

Dear F. Jose, we received your email. We will send you ASAP a relic of the house of St. Joseph. Greetings.

F. Silvio R. De La Fuente ofm
Segretario di Terra Santa

Segreteria Custodiale | Saint Saviour’s Monastery | St. Francis 1 | P.O.B. 186 | 91001 | tel: +972 2 6266563 | fax: +972 2 6284717 
Twitter: @cts_notizie @cts_noticias | Facebook: Custodiaterrasanta