Monday, June 4, 2012

PANALANGIN SA PAGHAHANDA SA PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON


PANALANGIN SA PAGHAHANDA SA PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON NG JUBILEO NG DIOCESIS NG CABANATUAN
(1963-2013)
Amang Makapangyarihan, bilang isang sambayanan, kami ay sama-samang naghahanda sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng pag-iral ng Diocesis ng Cabanatuan.
Buong kababaang loob naming kinikilala at ipinagpapasalamat ang mga biyayang kaloob mo sa amin bilang isang Sambayanan, lalo na ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Nagpapasalamat kami sa  pagyabong ng aming pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan na patuloy na nagpapadalisay sa amin.
Itinataas namin sa iyo ang mga adhikain ng aming diocesis, sa pangunguna ng aming Obispo, Kaparian at mga Lider Layko. Hangad namin na maging isang sambayanang nakasentro kay Kristo. Akayin Mo kamin tungo sa banal na pamumuhay. Maging marangal nawa ang aming pagkatao. Taos-puso nawa kaming makapaglingkod, alang-alang sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos. Patuloy nawa kaming maglakbay nang may pag-asa at galak, tungo sa kaganapan ng buhay. 
Sa taong ito ng aming paghahanda sa ika-50 taong anibersaryo ng Diocesis ng Cabanatuan, mapukaw nawa ang kamalayan ng bawat binyagan  ukol sa yaman ng aming pananampalataya at kasaysayan.  
Maging mabiyaya nawa para sa aming lahat ang pagdiriwang ng aming Ginintuang Jubileo, upang kami ay patuloy na makapagtalaga ng aming mga sarili bilang mga saksi ng Mabuting Balita     
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo,magpasawalang hanggan. Amen.
Mahal na Birheng Divina Pastora, ipanalangin mo kami.
Mahal na Birheng Pastora, ipanalangin mo kami.
San Nicolas de Tolentino, Ipanalangin mo kami.