Wednesday, May 30, 2012

PAGDIRIWANG NG GININTUANG TAON NG JUBILEO (1963-2013)


Pagdiriwang ng Ginintuang Taon ng Jubileo (1963-2013)
LIHAM PASTORAL BLG. 3 Serye ng 2012

PARA SA:      Kaparian at Mga Relihiyoso, Mga Tagapangasiwa ng mga Paaralang Katoliko, Pamunuan ng DCL, PPC, BPC at LARM, at Sambayanang Katoliko sa Diocesis ng Cabanatuan  
MULA SA:         Tanggapan ng Obispo
TUNGKOL SA: Paglulunsad sa Taon ng Paghahanda para sa Ginintuang Taon ng   Jubileo ng Diocesis ng Cabanatuan
___________________________________________________________________________
Pagbati ng Kapayapaan!

Ang bawat Kristiyanong Sambayanan ay laging may nililingong pinagmulan na nagbibigay daan sa isang masayang pagdiriwang at paggunita na kumikilala sa mga biyaya at walang maliw na paglingap ng Diyos sa kanyang nagdaang kasaysayan.  Ang ganitong pagdiriwang ay tinatawag na Jubileo, galing sa salitang Hebreo na “yobel” na tumutukoy sa sungay ng lalaking tupa na hinihipang tumunog upang ipahayag sa mga Israelita ang isang natatanging pagdiriwang ng pag-aalaala at pasasalamat ng buong sambayanan.  Kung ating magugunita sa pagpasok natin sa ikatlong milenyo, ipinagdiwang ng Simbahan ang Dakilang Jubileo noong taong 2000 sa ilalim ng pamumuno ng yumaong Santo Papa Juan Pablo II.  Naging isa itong dakilang pagkakataon ng pag-alala sa hiwaga ng pagkakatawang tao at pagliligtas ng ating Panginoong Jesus, at ng pagpapanibago ng buong Simbahan tungo sa mas malalim na pagsasabuhay ng pananampalataya at pagpapahayag ng Paghahari ng Diyos.

Ang ating Diocesis, ang Simbahang lokal dito sa lalawigan ng Nueva Ecija, ay magdiriwang din ng kanyang Ginintuang Taon ng Jubileo sa darating na ika-3 ng Hunyo 2013. Nais nating gunitain ang ating pagkakatatag bilang isang diocesis, ipagpasalamat ang abut-abot at di-malirip na biyaya ng Diyos sa ating Sambayanan, at panibaguhing muli ang ating mga pagtatalaga ng sarili sa pananampalatayang Katoliko at sa Simbahang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno.  Bilang isang Sambayanan, marami tayong pinagdaanan na humubog sa atin upang maging matatag sa ating pananampalataya.  Marami na tayong sama-samang napagtagumpayan, mga dinaanang iba’t ibang panahon, pamamahala at pamunuan.  Subalit naririto pa rin tayo, sa tulong at pagkalinga ng Diyos ng Kasaysayan, nananatiling nakatayo at nagbibigay patotoo sa pahayag ng Panginoong Hesukristo kay Apostol San Pedro: “Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya, at di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impiyerno” (Mateo 16:18).

Kung ating babalikan ang kasaysayan sa halos 2,000 taon ng pag-iral ng ating Simbahang Katolika, ang pananampalatayang Kristiyano ay dumating sa ating lalawigan noong huling bahagi lamang ika-16 na siglo sa pamamagitan ng mga misyonerong Agostino.  Ang unang misyong Agostino ay dumating sa Gapan noong 1595, sa Santor (Bongabon) noong 1636 at sa Cabanatuan noong 1700.  Nang matapos ang mga Agostino sa kanilang pagmimisyon, dumating naman ang mga Fransiskanong misyonero na nagpatuloy sa kanilang pinasimulang misyon: noong 1760 sa Bongabon, 1843 sa San Antonio at San Isidro, 1846 sa Talavera, 1853 sa Penaranda, 1856 sa Jaen, 1859 sa Aliaga at Zaragoza at 1878 sa Sta. Rosa.  Pagkaraan ng mahabang panahon, noong ika-16 ng Pebrero 1963, natatag ang Diocesis ng Cabanatuan mula sa mga nasasakupang pook at parokya ng Arkidiocesis ng Lingayen-Dagupan at dating Diocesis ng San Fernando, Pampanga.  Kasunod nito, pinasinayaan noong ika-4 ng Hunyo ang bagong tatag na Diocesis ng Cabanatuan na dati’y sumasakop sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.  Sa ngayon ang ating diocesis ay binubuo na ng 29 na parokya, may sariling Seminaryo na pook ng paghubog para sa mga nais maging pari, mga paaralang Katoliko, mga aktibong samahang pangsimbahan at mga lider-laykong masugid na naglilingkod sa Sambayanan.  Ang mga ito at ang di-mabilang na mga biyayang natanggap natin bilang Sambayanan ang nais nating gunitain, ipagbunyi at ipagpasalamat sa Panginoong Diyos. 

Kaya’t sa pagdiriwang natin ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Muling Nabuhay, nais namin kayong anyayahan sa isang pagbabalik-tanaw at pagdiriwang sa natatanging kasaysayan ng ating Simbahan dito sa Diocesis ng Cabanatuan. Sa darating na ika-2 ng Hunyo 2012, araw ng Sabado, sa Plaza Lucero sa Lungsod ng Cabanatuan, sa ganap na ika-anim at kalahati ng umaga, sama-sama nating ilulunsad ang pagdiriwang sa Taon ng Paggunita bilang pasimula ng isang buong taong paghahanda para sa dakilang araw ng Ginintuang Taon ng Jubileo.  Inaasahan  namin ang inyong aktibong pagdalo at ganap na pakikiisa sa natatanging pagdiriwang na ito para sa Simbahang mahal sa atin at sa pananampalatayang kaloob ng Diyos sa atin.  Para sa mga detalye at programa, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong mga Kura Paroko, at sa pamunuan ng PPC at BPC.  Hangad namin ang isang mabunga at makahulugang pagdiriwang sa bawat parokya at sa ating diocesis.  Sa pamamatnubay at panalangin ng La Virgen Divina Pastora, magbigay daan nawa ito sa ating ganap at dalisay na pagpapanibago bilang Sambayanan ng mga alagad at mabuting katiwala.

Panghuli, ipinagtatagubilin namin sa lahat ng mga Kura Paroko na basahin ang Liham Pastoral na ito sa mga pagdiriwang ng Salita ng Diyos at sa Banal na Misa ngayong Sabado at Linggo, ika-19 at 20 ng Mayo. 

Ipinagkaloob sa Tanggapan ng Obispo sa Lungsod ng Cabanatuan ngayong ika-18 ng Mayo 2012.
                                                                                                                                                                     
+SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
                                                                                         Bishop of Cabanatuan
NOEL J. JETAJOBE, SSL
           Chancellor