Thursday, October 18, 2012

Pandaigdigang Linggo ng Misyon (World Mission Sunday 2012)



DIYOSESIS NG CABANATUAN
TANGAPAN NG OBISPO
LUNGSOD NG CABANATUAN

PARA SA:                  Kaparian, Mga Madre, Mga Lider Layko, Mga Paaralang Katoliko,
    Mga Kilusang   Pangsimbahan,  at Mga Binyagan

TUNGKOL SA:         Pandaigdigang Linggo ng Misyon (World Mission Sunday 2012)
MULA SA:                 Tanggapan ng Obispo

Mga Minamahal na kapatid,

Muli na namang sumapit ang Pandaigdigang Linggo ng Misyon. Sa taong ito, higit na pinatitingkad ang pagdiriwang na ito sa mga Jubileo na ating ipinagpapasalamat. Tatlong Dakilang Jubileo ang ating kinapapalolooban. Una, sa ating Simbahang Lokal,ang Diyosesis ng  Cabanatuan ay nagdiriwang ng Taon ng Paggunita, sa pagsapit ng ating Limampung Ginintuang Taon ng Pagkakatatag bilang isang Diyosesis. Ikalawa,  sa Simbahang National ang ating bansang Pilipinas, ipinagdiriwang ang Ikawalumpung Taon ng Pontifical Mission Societies, isang Sangay ng Tanggapan ng ating Santo Papa na naglilingkod sa buong mundo sa gampanin ng pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko. At ikatlo, sa Simbahan sa buong mundo ng Kristiyanismong Katoliko ang Jubileo ng pagsapit ng Ikalimampung Taon ng Konsilyo Vaticano II, at Ikadalawampung Taon ng Katesismo ng Simbahang Katoliko. Ipinamamanhik ng ating Santo Papa, na ito ay ipagdiwang bilang Taon ng Pananampalataya.

Tunay nga ang Jubileo ay Taon ng Dakilang Biyaya at gayundin naman Taon ng Pagdinig sa Tawag at  Hamon ng  Pananampalataya. Angkop at napapanahon ang Tema ng Pandaigdigang Linggo ng Misyon na inilahad ng ating Santo Papa “Called to Radiate the Word of Truth” -Tinawag upang Papagningningin ang Salita ng Katotohanan. Ito ay hango rin sa liham ng ating Santo Papa Benedicto XVI” Porta Fidei”- Pintuan ng Pananampalataya para sa Taong ito ng Pananampalataya.

Sa ating Diyosesis, dama ko ang maalab na pakiki-isa ng ating mga mananampalataya sa gampanin ng pagbibigay patotoo sa Salita, na walang iba kundi ang ating Panginoong Hesus, ang Salita na nagkatawang Tao (Juan 1:14). Ito ay aking ikinalulugod at pinasasalamatan. Samantala, aking din namang ipinamamanhik sa  bawat mananampalataya na higit pang paigtingin ang pakikisangkot at pagtataya sa gampanin ng Ebanghelisasyon. Ang Dalaw Kristiyano na programa ng ating Pastoral Commissions  ay patuloy at higit nating itangkilik at paglaanan ng panahon at sakripisyo hanggang masapit natin ang lahat ng mga Barangay at Sitio  ng ating mga Parokya, dinadalaw at pinupukaw ang pananampalataya ng ating mga kapatid na maralita at bihirang makarinig ng biyaya ng Salita ng Diyos at Mabuting Balita  na hatid nito. Marapatin sana nating lahat na ito ay  mapagtulungang gampanan sa diwa ng pasasalamat sa Diyos.

Sa puntong ito, nais kong muling pasalamatan ang lahat ng bukas-palad na mananampalataya na naglimos sa nakaraang taong Pandaigdigang Linggo ng Misyon at muling hingin ang inyong pag-aabuloy para sa taong kasalukuyan. Ang ating pagkilala sa mga Parokya at mga paaralan kasama ang mga Samahang Pangsimbahan at ang mga Pastoral Councils, pamparokya at pambarangay sa inyong mga pagsisikap. Hayaan po ninyong basahin natin bilang ulat ang mga    Parokya at mga Paaralan at ang kanilang mga limos:


Ipinagtatagubilin naming basahin ang palibot-liham na ito sa lahat ng Misa ng Sabado,Oktubre 20, at sa lahat ng Misa at Bible Services sa mga barangay ngayong Linggo, ika-21 ng Oktubre. Ang lahat ng abuloy sa mga Misa at Bible Services ng Oktubre 20 at 21, pati na ang laman ng mga World Mission Sunday ay lalagumin at ipadadala sa Tanggapan ng Obispo na siya namang magpapadala  nito sa Roma upang maipamahagi sa lahat ng mga misyonero sa buong mundo.

Ipinagkaloob sa Tanggapan ng Obispo, Lungsod ng Cabanatuan, ngayong ika-15 ng Oktubre 2012 sa pagsapit ng Kapistahan ni Sta. Teresa Avila.


Lubhang Kgg. Sofronio A. Bancud, S.S.S., D.D.
Obispo ng Cabanatuan