Sunday, October 21, 2012

Ang Talambuhay ni Beato Pedro Calungsod


Ang Talambuhay ni Beato Pedro Calungsod


Si PEDRO CALUNGSOD ay isang kabataang nagmula sa rehiyong Bisaya ng Pilipinas. Konti lamang ang nalalaman tungkol sa kanyang buhay. Ayon sa mga nasusulat, si Pedro ay tinuruan upang maging katekistang layko sa seminaryo minore ng mga Heswita sa Loboc, Bohol. Para sa mga batang nahimok tulad niya, ang paghuhubog ay kinabibilangan ng pag-aaral ng katekismo, wikang kastila at latin. Ipadadala sila pagkatapos sa mga baryo kasama ng mga pari upang gampanan ang kanilang pang-araw-araw na gawain bilang mga sakristan o katekista. Ang iba sa kanila ay ipinapadala sa misyon sa ibayong-dagat kasama ng mga Heswita sa kanilang mapanghamong gawain ng pagpapahayag sa Mabuting Balita at ang pagtatag ng pananampalatayang katoliko sa mga banyagang lupain. At ito ang naganap kay Pedro Calungsod.

Noong ika-18 ng Hunyo 1668, ang masigasig na Heswitang superyor na si Padre Diego Luís de San Vitores ay tumugon sa “espesyal na tawag” at nagsimula ng bagong misyon kasama ng 17 kabataang lalaki at mga pari sa mga isla ng Ladrones. Si Pedro ay isa sa mga batang katekistang nagpunta sa Kanlurang Pasipiko upang ipahayag  ang Mabuting Balita sa mga katutubongchamorro


Mula sa Mabuting Pakikitungo hanggang sa Pagkapoot

Ang buhay sa Ladrones ay mahirap. Ang mga panustos para sa misyon tulad ng pagkain at iba pang pangangailangan ay hindi regular na dumarating; ang mga gubat ay napakasusukal tahakin; ang mga talampas ay napakatatarik akyatin; at ang mga isla ay palagiang binabayo ng mga bagyo. Sa kabila ng lahat, ang mga misyonero ay hindi pinanghinaan ng loob, at ang misyon ay pinagpala sa dami ng taong nagbagong-loob sa Diyos. Ginalugad ng mga misyonero ang mga liblib na lugar at nakapagbinyag ng higit sa 13,000 katutubo. Sinimulan na din ang pagtatayo ng mga kapilya sa iba’t-ibang lugar sapagkat lumalawak na ang gawain ng pagtuturo. Isang paaralan at isang simbahan sa karangalan ni San Ignacio de Loyola, ang naitatag sa lungsod ng Agadna sa hilagang-silangan. Kinalaunan, ang mga isla ay muling pinangalanang “Marianas” sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria at ng Reyna-Rehente ng Espanya, si María Ana, na siyang tagatangkilik ng misyong yaon.

Di naglaon, ang mabuting pakikitungo ng mga katutubo ay naging poot sapagkat ang mga misyonero ay nagsimula ng mga pagbabago sa nakaugalian ng mga chamorro na hindi angkop sa Kristiyanismo. Ang mga misyonero ay tumutol sa pagsamba nila sa kanilang mga ninuno. Hinuhukay ng mga chamorro ang mga bungo ng mga namayapang kamag-anak at itinuturing ito bilang mapaghimalang anting-anting. Ang mga ito’y idinadambana sa mga espesyal na bahay na binabantayan ng mga katutubong salamangkero na kung tawagin ay macanja. Ang mga chamorro ay nagdarasal sa ispiritu ng kanilang mga ninuno upang swertehin, magkaroon ng magandang ani at manalo sa digmaan.

Tumutol din sila sa kaugalian ng mga kabataang lalaki na tinatawag na urritao sa kanilang pakikipagniig sa mga kabataang babae sa mga pampublikong lugar na walang basbas ng sakramento ng kasal sapagkat itinuturing nila ang ganitong pagkakalakal ng sarili bilang bahagi ng kanilang pamumuhay.

Hindi rin sila naibigan ng mga chamorrong nasa mataas na antas sa lipunan o matua na nag-utos na ang biyaya ng pagiging Kristyano ay nararapat lamang sa kanila. Ang mga mabababa ang antas sa lipunan ay hindi daw dapat bigyan ng karapatang maging mga kristiyano.
Read more...