Tuesday, September 11, 2012

PAGTUTULUNGAN NG SIMBAHAN AT PAMAHALAAN SA PAGTUGON SA MGA ALALAHANING PANLIPUNAN


PALIBOT-LIHAM BLG. 2
SERYE NG 2012

PARA SA:      KAPARIAN, RELIHIYOSO AT RELIHIYOSA, LIDER LAIKO AT MGA MANANAMPALATAYA

MULA SA:      TANGGAPAN NG OBISPO

TUNGKOL SA:  PAGTUTULUNGAN NG SIMBAHAN AT PAMAHALAAN SA PAGTUGON SA MGA ALALAHANING PANLIPUNAN


Mga minamahal na kapatid kay Kristo Hesus,

Humigit kumulang siyam na buwan na lamang ang ating ipinaghihintay sa pagsapit ng pagdiriwang ng ika-limampung taon ng pagkakatatag ng ating diocesis. Tulad ng isang inang nagdadalang-tao, pinaghahandaan natin ng buong pananabik ang masaya at makabuluhang pagdiriwang ng ating Ginintuang Jubileo sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa yaman ng ating kasaysayan at paggunita sa “abot-abot na biyaya” (Juan 1:16) ng Diyos sa atin.

Ngayong Taon ng Paggunita, napakahalagangbalikannatin ang paglalakbay na ating tinahak bilang isang diocesissa pagharap at pagtugonsa mgaalalahaning panlipunan.Mapalad ang ating diocesis dahil may mga lingkod-bayan sa ating lalawigan na nagingkatuwang natin sa ating sama-samang pagtugon sa mga suliranin ng ating sambayanan.

Noong nababahala ang marami sa atin dahil sa pagdami at pagsulpot ng mga motel, bahay-aliwan at beerhouse sa ating lalawigan, at sa pagpapatayo ng casino sa bayan ng San Leonardo, gumawa ang Simbahan ng ilang mga hakbang bilang pagtupad sa atas na maging Ina at Tagapagturo ng mga binyagan. Sa pamamagitan ng mga liham pastoral, mga pahayag at pagkilos, ating ipinakiusap sa mga pinuno ng ating mga pamahalaang lokal na bigyang-pansin ang mga alalahaning ito na yumuyurak sa dangal ng tao. Sa ating pakikipag-ugnayan at pakikipag-dayalogo sa kanila, ipinahiwatig natin ang saloobin at paninindigan ng ating mga mananampalatayapara sa kabutihan ng tao at ng kanyang pamilya.

Bilang pagkilala sa kanilang paninindigan, ating pasalamatan ang mga namumuno sa ating pamahalaang lokal na naging katuwang natin na tanggihan ang mga bagay na makasisira sa buhay at dangal ng tao. Sina Mayor Elan Nagano at buong Sangguniang Bayan ng San Leonardo, sa pagiging bukas na nagbigay-daan upang hindi na matuloy ang pagtatayo ng casino. Gayundin si Mayor Santy Austria,sa panininidigang ipagbawal ang pagtatayo ng   beerhouse at sugalan sa Jaen. Si Mayor Nery Santos, na ipinagbawal ang pagtatayo ng mga bahay-aliwan sa Talavera.

Pinasasalamatan din natin ang tatlong kongresista sa ating lalawigan na nakasama natin sa pagtutol sa RH Bill, sina Congresswoman Cherry Umali(3rd District), Congressman Rody Antonino(4th District), at Congressman Joseph Violago(1st District).

Patuloy nating ipagdasal ang lahat ng mga lider-lingkod sa ating pamahalaan. Buong pagmamalasakit nawa nilang itaguyod ang pangkalahatang kabutihan nang hindi nagsasamantala sa kahinaan at kahirapan ng mga mamamayan. Hinihimok ko rin ang lahat ng ating mga mananampalataya na inyong itaguyod sa ating mga pamayanan ang mabuting pamamahalaat matuwid na paglilingkod sa bayan.Sa tulong ng panalangin ng Birheng Divina Pastora, pagpalain nawa ng Diyos ang ating mga pagsisikap upang matamo ng ating bansa ang tunay na pagbabago at pag-unlad ng ating pamayanan.

Nilagdaan at ipinagkaloob dito sa Tanggapan ng Obispo, Lungsod ng Cabanatuan, ngayong ika-8 ng Setyembre, taong 2012, sa Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
 


+SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
Obispo ng Cabanatuan