O Panginoon naming Diyos, aming
Mapagmahal at Makapangyarihang Ama, Ikaw ang lumikha sa amin. Ang aming buhay
at lahat ng mabubuting bagay na nasa amin ay galing sa Iyo. Alam mo kung ano
ang nakabubuti sa amin at nakasasama. Binigay mo sa amin ang iyong mga batas
upang ituro sa amin ang landas patungo sa aming tunay na kabutihan at
kaligayahan.
Gabayan mo ang aming mga
Mambabatas sa Kongreso at Senado upang hindi sila gumawa ng batas na laban sa
iyong Batas. Sana matanto nila na ang anumang batas na salungat sa iyong
kalooban ay nakasasama sa mga taong bayan.
Panginoon, sinasamo namin sa Iyo,
na liwanagan nawa ng Epiritu Santo ang mga isipan ng mga mambabatas upang hindi
aprubahan ang House Bill No. 4244, dating “Reproductive Health Bill”, ngunit
ngayon ay “Responsible Parenthood Bill”. Ang “bill” na ito ay laban sa iyong
Batas tungkol sa buhay, pag-aasawa at pamilya. Ang “bill” na ito ay magdadala
ng malaking kasamaan sa aming lahat: Katoliko man o hindi.
Sa pamamagitan ni Kristo,
pakinggan mo ang aming panalangin. Amen.
Mahal na Birhen Divina Pastora,
Ipanalangin mo kami.
San Nicolas de Tolentino,
Ipanalangin mo kami.