Tanong 1. Wala po
kaming panahong basahin at unawain ang kopya ng RH Bill na nasa kamay namin,
pero napanood po naming pinagdedebatihan sa tv. Ano po ba talaga ang
kontrobersyal na RH Bill na yan?
Sagot: Ito ang Reproductive Health Bill 4244, na
naka-base sa paniniwalang labis nang lumolobo ang populasyon ng Pilipinas na
siyang nagiging sanhi ng lubos nitong paghihirap. Maraming ulit na itong
isinususog sa kongreso ng Pilipinas ngunit hindi ito makapasa para maging
batas.
Tanong 2. Bakit po hindi ito makapasa,
samantalang sabi po sa debate ay mabuti daw ito?
Sagot: Kung lubos na mabuti ito, di sana’y
matagal na itong naging batas. Marami pong mga bagay sa RH Bill ang tinututulan
ng maraming kongresista, unang-una na ay yung pinagpipilitan ng Bill na gawing
solusyon sa kahirapan ang pagliit ng populasyon. Pakay ng RH Bill na magpamigay
ang gobyerno nang libre sa mahihirap ng mga gamot at serbisyong nakapipigil sa
pagbubuntis, tulad ng mga birth control pills, condoms, IUD, ineksiyon atbp.
Isinasaad sa Sec. 10 ng Bill na ang mga ito daw ay dapat ibilang na mga
“essential medicines and supplies of all national and local hospitals and other
government health units”. Humihingi ang RH Bill ng budget na tatlong bilyong
piso bilang panimula, halagang manggagaling po sa kaban ng bayan—opo, sa ating
mga mamamayang nagbabayad ng buwis. Ang higit na makikinabang at tutubo sa
ganitong sistema ay ang mga pharmaceutical companies pagkat gagawin nang batas
ang pagbili ng mga produktong naturan. Ibig sabihin, kapag nilabag mo,
paparusahan ka dahil batas na siya. Ayon sa mga tumututol, hindi tama na ilagay
sa panganib ang kalusugan ng mga ina at kababaihan sa paggamit ng mga naturang
gamot at serbisyong ito na ayon din sa mga pagsusuri ng medisina ay
nakakapinsala sa kalusugan ng gagamit. Makabubuti pa raw na ang salaping iyon
ay gugulin na lamang sa mga bagay na higit na kailangan at makakatulong sa
pag-unlad ng Pilipino, tulad ng pagpapagawa ng mga eskwelahan, kalsada, balon
ng tubig, ospital, at sa pag-ayuda sa pagkakaroon ng hanapbuhay ng mga
maralita.
Tanong 3. Totoo po ba na sa RH Bill ay bibigyan
ng sex education ang mga bata kahit Grade V pa lang?
Sagot: Totoo po. Yun po ay nasa “SEC. 16.
Mandatory Age-Appropriate Reproductive Health and Sexuality Education.” Lahat
po ng mga estudyante mula Grade V to 4th year high school ay ipapailalim sa
“sexuality education” kung saan matututuhan nila ang pagpaplano ng pamilya
hindi lamang sa natural na paraan kungdi sa pamamagitan din ng paggamit ng mga
makakapigil ng pagbubuntis tulad ng condom at pildoras. Kasama din sa mga
ituturo ay ang tinatawag nilang “safe sex” o pakikipagtalik nang hindi nauuwi
sa pagbubuntis o sa pagkahawa sa sakit ng katalik (AIDS, halimbawa).
Tanong 4. Anim na taong sex education? Wala po
bang exemption diyan? Paano kung ayaw ng magulang?
Sagot: Opo, anim na taon, at wala pong takas ang
bata dito pagka’t ipapaloob po ang sex education sa iba’t ibang subjects tulad
ng Math, Physical Education, Social Studies, Values Education, atbp. Hindi rin
po masasabi ng magulang na ipuwera ang anak nila sa Sex Education, pagkat hindi
ito “optional” o magiging bukod na subject kundi sangkap ng bawat subject, sa
buong anim na taon. At “mandatory” po ito, ibig sabihin, kailangan itong
pag-aralan ng bata pagkat lahat po ng eskuwelahan ay kailangang sumang-ayon
dito, kahit po yaong mga pintatakbo ng mga Muslim o Katoliko. Kahit ayaw ng mga
magulang, wala silang magagawa.
Tanong 5. Mahaba-haba din yung anim na taon; ano
po ang magiging epekto ng ganoong uri ng sex education sa pamilya?
Sagot: Bagama’t ayon sa RH Bill, magsasanay sila
ng mga guro at iaakma ang pagtuturo ng sex education sa edad ng mga bata,
marami pong mga magulang ang nababahala dito. Hindi daw tama na akuin ng estado
ang karapatan at pananagutan ng mga magulang na magturo sa kanilang mga anak
ayon sa kanilang paniniwala. Hindi raw tumpak na dumiretso ang gobyerno sa mga
bata. Ayon sa ating Constitution, dapat suportahan— hindi pangunahan—ng
gobyerno ang pamilya. Papaano kung ang gustong ituro sa eskuwela ay taliwas sa
nais ng mga magulang na matutunan ng mga anak nila? Kung hangad ng gobyerno na
tulungan ang mga anak ng mahihirap, dapat daw ay turuan nila ang mga magulang
at hayaang ang mga ito ang pumili ng ituturo sa kabataan, pagkat sila ang
nakakakilala ng kahinugan ng isip ng kanilang mga anak. Tutol sila na anim na
taong tuturuan ang kanilang mga anak tungkol sa sexuality na sisimulan habang
mura pa ang isipan ng mga bata, pagka’t sa loob ng panahong ito, maaaring
mapunta sa hindi maganda ang pagpapahalaga ng mga bata tungkol sa katawan nila,
lalo na’t libre ang mga gamot at serbisyong pipigil sa pagbubuntis.
Tanong 6. Parang mali nga yata na ipilit yan sa
pamilyang Pilipino, parang nababale-wala ang Constitution at ginagawa lang
tayong gaya-gaya sa mga puti .
Sagot: Tama, at hindi lamang iyan, pati ang mga
matatanda ay apektado din: a) Ang mga may-ari ng pagawaan o opisina (employers)
ay mapipilitang magdulot ng “reproductive health services” sa kanilang mga
empleyado, kahit na tutol ang konsiyensya nila dito; at b) ang mga “health care
service providers” naman (doctors, nurses, midwives atbp.) ay kailangang maging
handang magbigay ng mga gamot na kontra-buntis o magsagawa ng vasectomy o
ligation (pagtatali sa lalaki man o babae) kahit ito salungat sa turo ng
kanilang relihiyon. Kung hindi nila tutuparin ang hinihingi ng batas,
makukulong sila. Ang sistemang ito ay paglabag sa Art. III, Sec. 5 ng ating
Constitution na gumagarantiya na “…The free exercise and enjoyment of religious
profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be
allowed.”
Tanong 7. Paaano po lalabag sa Constitution ang
pagpapakalat ng contraceptive pills, libre pa naman ito.
Sagot: Walang birth control pills na
syento-porsyentong epektibo sa pagpigil sa paglilihi. Kahit na umiinom na nito
ang babae, maaari pa ring magtagpo sa pagtatalik ang itlog ng babae at semilya
ng lalaki at bumuo ng bagong tao—ito ang “fertilization” at “moment of
conception”. Ngunit kahit magkaroon ng “fertilization” sa isang babaeng
nagpi-pills, hindi matutuloy ang pagbubuntis pagkat pinapanipis ng pills ang
“lining” ng bahay-bata na siyang kakapitan ng “fertilized egg” upang maghanda
sa kaniyang pagsilang makatapos ng siyam na buwan. Ito ang kahulugan ng
“abortifacient effect” o “chemical abortion”—sa madaling salita, kinikitil nito
ang bagong nilalang na nasa sinapupunan. Pagka’t ipinagkakait nito ang likas na
ikinabubuhay ng “fertilized egg”, hindi na ito makakakapit sa matres at bagkus,
ay ilalabas na lamang ito ng katawan na parang namuong dugo (blood clot) kasama
ng regla. Sa katunayan, ang “namuong dugo” na ito ay tao na, miyembro na ng
pamilya. Ang “chemical abortion” na ito ay labag sa Art. II, Sec. 10 ng
Constitution na nagsasabing: “The State recognizes the sanctity of family life
and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social
institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of
the unborn from conception…”
Tanong 8. Kung hindi naman po contraceptive
pills ang gamit ng mag-asawa kungdi pagpapatali, siguro naman ay hindi na ito
labag sa Constitution pagka’t wala naman pong bagong taong kinikitil ang
vasectomy o ligation?
Sagot: Kapag naging batas ang RH Bill, kahit ang
pagpapatali lamang ay maaari nang maging sanhi ng pagkakasira ng mag-asawahan
pagkat ipapahintulot nito ang vasectomy at ligation kahit walang pagsang-ayon
ng asawa. Puwede nang magpa-vasectomy si mister o magpa-ligate si misis nang
walang paalam sa isa’t isa. Sa madaling salita, walang pakialaman. Sa gayon,
isinusulong ng RH Bill sa tiyak na panganib ang pamilya at ang pag-aasawahan,
isang tahasang paglabag sa Art. XV, Sec. 2 of our Constitution na nagwiwikang:
“Marriage, as an inviolable social institution, is the foundation of the family
and shall be protected by the State.” Sa paningin ng Constitution ang
pag-aasawahan ay isang sagradong pundasyon ng lipunan na dapat pangalagaan ng
estado. Sinisira ng RH Bill ang pundasyong ito, ang paggalang ng mag-asawa sa
isa’t isa, ang pag-uusap, pagkakasundo at pagpapasiya nang maayos, bagkus ay
ginagawa nitong tama ang “kanya-kanya mentality” na nakikita naman nating
simula ng pagkakawatak-watak ng pamilya.
Tanong 9. Kung hindi po mapo-protektahan ng
estado ang pamilya at pag-aasawahan, paano na po ang mga kabataan na anak ng
mga pamilyang ito?
Sagot: Iyon na nga po ang napakasaklap dito.
Kapag pumasa po ang RH Bill, pati na po ang mga menor de edad na dalagita na
inaabuso o nabuntis ay maaari nang makinabang sa mga “reproductive health
services” nang hindi na kailangang humingi ng pahintulot sa magulang. Kung
magagalit at tututol ang mga magulang sa ibibigay ng mga “health centers”
maaaring magsumbong ang anak at makulong pa ang mga “nakikialam” na magulang.
Kung magiging libre na nga po ang mga pampigil sa pagbubuntis at hindi na rin
maaaring pakialaman ng magulang ang kanilang mga dalagita, malamang na
ikapariwara na rin ito ng mga kabataan. Kaya’t lalabagin po ng RH Bill ang
likas at pangunahing karapatan ng mga magulang na palakihin at arugain ang
kanilang mga anak upang maging mabubuting mamamayan, na nakasaad po sa Art. II,
Sec. 12 ng ating Constitution: “…The natural and primary right and duty of
parents in the rearing of the youth for civic efficiency and the development of
moral character shall receive the support of the Government.”
Tanong 10. Nakakakilabot namang isipin na
magiging parang sapilitan ang pagsunod sa mga patakarang iyan! Ano po ang
mangyayari kung hindi kami sasang-ayon kung sakaling maging batas na ang RH
Bill?
Sagot: Paparusahan ang kahit sinong tao na
maghahayag ng opinion o impormasyon na kontra sa hangad at nilalaman ng RH Bill
kapag naging batas ito. Halimbawa, mga komentarista sa radyo, kolumnista sa
diyaryo, mga guro, mga nag-ra-rally o nagse-sermon—maaaring makulong sila kapag
hayagan nilang kinalaban ito. Samakatuwid, susuway ang RH Bill sa Art. III,
Sec. 4 ng ating Constitution na nagsasabing “No law shall be passed abridging
the freedom of speech, of expression, or of the press…” Kaya hindi tama na
ipasa ito at gawing batas sapagkat lalagyan nito ng busal ang mga tao at
hahadlangan ang ating karapatang magpahayag ng sarili ng buong laya.
Tanong 11. Ang ibig ba ninyong sabihin ay
paparusahan ang kokontra sa RH Bill kapag naging batas na yon? Ano naman po ang
parusa sa mga susuway?
Sagot: Opo, ang sino mang sasaway ay maaaring
makulong o mamultahan. Halimbawa, nurse ka sa eskuwela, at may isang babaeng
high school student na hihingi sa iyo ng “morning after pill”—iyon bang
pildoras na iniinom ng babae kapag nakipag-sex siya nang walang “proteksyon”
laban sa pagbubuntis noong nakaraang gabi; sinisiguro ng “morning-after pill”
na dadating ang regla niya, kahit nagkataong “fertile” siya noong gabing iyon,
pagka’t kaya nitong patayin ang kahit limang-araw na gulang na bata sa
sinapupunan. Kung ikaw na nurse ay hindi magbibigay ng pill sa humihingi dahil
alam mong “abortifacient” iyon at nakakalaglag, paparusahan ka—kulong o multa,
dahil ang nasa Sec. 29 ng RH Bill: “Any violation of this Act or commission of
the foregoing prohibited acts shall be penalized by imprisonment ranging from
one (1) month to six (6) months or a fine of Ten Thousand (P 10,000.00) to
Fifty Thousand Pesos (P 50,000.00)…”.
Tanong 12. Naku, ganoon pala, eh bakit po sa mga
debate sa TV, lagi pong sabi ng mga sponsors ng RH Bill at ng mga artista sa
panig nila, eh makakabuti daw yon sa kalusugan ng mga ina at kababaihan, at
“women empowerment” pa daw iyon, kaya sino ba aayaw doon?
Sagot: Siyempre, sino nga ba ang hindi
magkakagusto sa mabubuting puntos ng RH Bill? Ang katawa-tawa po doon ay, ang
matatawag na mabubuting bahagi ng RH Bill, yaong mangangalaga sa kalusugan at
kapakanan ng kababaihan ay napapaloob na pong lahat sa tinatawag nating “Magna
Carta for Women”! Samakatuwid, batas na, at kailangan lamang ay maigting na
pagpapatupad! Ito’y buong giting pong ipinapaliwanag ng mga Kongresistang tutol
sa RH Bill sa Batasang Pambansa kung saan masusing sinisiyasat ang RH Bill. Wika
nila, kung tutuusin, kapag inalis sa RH Bill ang mga puntos nitong sakop na ng
Magna Carta for Women, wala nang matitira kundi ang mga hindi kanais-nais na
parte na ating tinatalakay dito.
Tanong 13. May magagawa ba kami para mahinto ang
pagsulong ng RH Bill?
Sagot: Malaki. Simulan natin sa pag-iisip para
matunton natin ang katotohanan: Bakit isinusulong ng RH Bill ang mga gamot at
serbisyong napatunayan na ng medisinang nagdudulot ng higit na panganib kaysa
tulong sa katawan ng babae? Bakit gagastahan ng gobyerno ng bilyon-bilyong piso
ang mga gamot at serbisyong ito para pigilin diumano ang paglobo ng
populasyon—na para ba itong sakit o epidemic na dapat sugpuin? Bakit sapilitang
isasagawa ito sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga hindi sang-ayon? Bakit nais
simulan ng RH Bill ang pagtuturo ng pananaw nito sa ating mga kabataan?
Ang paniniwala na ang malaking populasyon natin
ang ugat ng ating kahirapan ay mula sa isipang banyaga na pilit ipinalululon ng
RH Bill sa ating mga Pilipino. Idilat natin ang ating mga mata at tunghayan
kung ano ang sinapit ng mga bansang nagpasa ng sistema ng RH Bill: nakakagimbal
na pagdami ng sakit ng mga babae dulot ng paggamit ng contraceptive drugs and
devices; pagkaubos ng lahi at pagtanda ng populasyon pagkat ayaw o hindi na
mag-anak ng karamihan; pagkalat ng AIDS at iba pang mga sexually transmitted
diseases (STD, o mga sakit na nakukuha sa pagtatalik); higit na pagdami ng
pagbubuntis ng mga dalagita at higit na pagdami ng kasong aborsyon (kapag
pumalpak ang inaasahang contraceptive drugs and devices); pagtaas ng bilang ng
diborsyo; patuloy na pagkakawatak-watak ng mga pamilya, at marami pang ibang
hindi natin kailanman nanaising mangyari sa ating bayan. Tayo lamang mga
Pilipino ang magkapagsasabi kung paano natin iibsan ang ating kahirapan. Nawa’y
makita ng lahat ng ating mga namumuno at mga mambabatas na tayo ay may sariling
lakas, yaman at talino upang unawain at umahon sa ating kinasadlakang
kahirapan, upang sa halip na higit tayong pahirapan ng RH Bill ay magkaisa tayo
tungo sa ganap na pag-unlad ng sambayanang Pilipino.