Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!
Sumapit na tayo sa tugatog ng ating pananampalataya na ating pinaghandaan noong Panahon ng Kuwaresma at ating ginunita nitong mga Mahal na Araw-ang Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoong Hesukristo! Isa ito sa mga pinakamasayang okasyon sa ating simbahan sapagkat dito nasasalig ang ating pananampalataya.
Ngayong Linggo ng Pagkabuhay narinig natin ang salaysay tungkol sa libingang walang laman. Para kina Maria Magdalena, Simon Pedro at alagad na mahal ni Jesus sapat na ang libingang walang laman upang maniwala sila na si Jesus ay muling nabuhay.
Para sa ating mga Kristiyanong Katoliko hindi na mahirap tanggapin at paniwalaan na si Kristo’y muling nabuhay. Para sa iba, hangang ngayon isa pa itong problema at palaisipan. Ngunit para sa mga sumasampalatayang tulad natin isa itong hiwaga na dapat isabuhay.
Para sa ating mga Kristiyanong Katoliko hindi na mahirap tanggapin at paniwalaan na si Kristo’y muling nabuhay. Para sa iba, hangang ngayon isa pa itong problema at palaisipan. Ngunit para sa mga sumasampalatayang tulad natin isa itong hiwaga na dapat isabuhay.
Paano ba natin maisasabuhay ang Muling Pagkabuhay ni Jesus?
Una, maisasabuhay natin ang Muling Pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng palagiang paghahangad kay Jesus. Si Maria Magdalena ang huwaran natin dito. Mahal na mahal niya si Jesus na kanyang kaibigan at Panginoon, kaya madaling araw pa’y nagpunta siya sa libingan upang pahiran ang bangkay ng Panginoon. Hanggang sa kamatayan mahal na mahal niya ang Panginoon. Lagi sana nating ingatan na huwag matabunan ng iba pang mga paghahangad sa buhay ang paghahangad natin kay Jesus. Siya sana ang palagi nating unahin, dahil palagi tayong una sa puso Niya.
Ikalawa, maisasabuhay natin ang Muling Pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng paglilingkod. Ang paghahangad natin kay Jesus ay dapat magbunga sa atin ng paglilingkod. Hindi sapat na mahal lang natin si Jesus. Kailangang magbunga ng mabubuting gawa ang paghahangad natin sa Kanya. Dapat tayong maging tagapagbalita ng muling pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa tulad ng pagkakaisa at pagbabahaginan . Hindi makikitang muling nabuhay si Jesus sa isang tahanan o pamayanan na nagkakanya-kanya at walang pakialaman. Nakikita na buhay nga si Jesus kapag tayo’y may malasakit at pakialam sa bawat isa.
Ikatlo, maisasabuhay natin ang Muling Pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng pagiging masayahin. Biyaya ng muling pagkabuhay ni Jesus ang tuwa ang galak. Biyaya nga ito, pero kailangan nating piliin araw-araw na maging masaya sa kabila ng lahat ng ating pinagdadaanan. Nasa pagpapasya natin kung magiging masaya o malungkot ang buhay natin. Tandaan natin nagapi na ni Jesus ang lahat, pati kamatayan at kadiliman. Makihati tayo sa kanyang saya. Piliin natin na palaging maging masaya. Ang Diyos natin ay Diyos ng pagsasaya. Hindi natapos ang buhay Niya sa Biyernes Santo! Nabuhay na Siya, kaya bumangon na tayo sa pagkakalugmok!
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay magpa-igting nawa ng ating paghahangad sa Kanya, magtulak nawa sa atin sa paglilingkod, at magpasaya nawa sa atin araw-araw. Tayong lahat ang bumubuo ng Sambayanan ng Muling Pagkabuhay. Bilang bahagi nito palagi natin Siyang hangarin at masaya natin Siyang paglingkuran. Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!