“IDALANGIN NINYO SA DIYOS NA MAGPADALA
SIYA NG MGA MANGGAGAWA SA KANYANG BUKIRIN”
Liham Pastoral Blg. 2
Serye ng 2012
Minamahal
na bayan ng Diyos:
Ang
kapayapaan ng Panginoong Muling Nabuhay ay sumainyong lahat!
Ang
ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay kilala bilang Linggo ng Mabuting
Pastol, at itinalaga ng ating Inang Simbahan bilang Pandaigdigang Araw ng
Pananalangin Para sa Bokasyon. Ang pagdiriwang na ito ay itinatag ng yumaong
Papa Pablo VI noong taong 1963 bilang tugon ng Simbahan sa atas ni Hesus na taimtim
na manalangin sa Ama na magpadala pa siya ng mga manggagawa para sa kaharian ng
Diyos. Matatandaan natin ang isang tagpo sa Ebanghelyo ni San Mateo na kung
saan si Hesus, matapos niyang makita ang napakaraming tao na lito at lupaypay –
parang mga tupang walang pastol – ay labis na nahabag sa kanila. Sinabi ni
Hesus: “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa
may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.” (Mt. 9:36-38)
Hindi
natin maipagkakaila na isa sa mga malalaking alalahanin ng buong Simbahan sa
kasalukuyan ay ang kakulangan ng mga bokasyon sa pagpapari at sa buhay
relihiyoso at relihiyosa. Ayon sa ilang pag-aaral, malaki ang ibinaba ng
proporsyon ng mga pari sa mga bilang ng mga binyagan dito sa ating bansa sa
nakaraang mga taon. Sa ating diocesis man, bagama’t may sapat na mga programa at
gawain dito upang tugunan ang pangangailangang pastoral at espirituwal ng mga
mananampalataya, kapos pa rin ang bilang ng mga pari upang lubos na mapangalagaan
ang kapakanan ng buong sambayanan.
Gayunpaman,
batid natin ang katapatan ng Diyos sa kanyang pangako sa atin na magpapadala
siya ng mga pastol na mamamahala sa kanyang bayan ng buong katalinuhan at
pagkaunawa. (Jer. 3:15) Sa kabila ng
napipintong “krisis sa bokasyon,” inaanyayahan tayong lahat na lubos na
magtiwala sa kilos ng Espiritu Santo at sa kalooban ng Ama na siyang tumatawag at
humihirang ng mga alagad ni Hesus. (Pastores
Dabo Vobis 1) Kaakibat ng pananalig natin sa pangakong ito ng Diyos ay ang ating
pagsasabalikat ng mahalagang pananagutan na makiisa sa pagpapalago ng bokasyon
sa pagpapari at pagkarelihiyoso. Malinaw na itinuturo ng Simbahan na
“nakasalalay sa buong pamayanang Kristiyano ang tungkulin ng pagpapalago ng mga
bokasyon sa pamamagitan ng ganap na pamumuhay bilang mga Kristiyano.” (Optatam Totius 2) Kaya naman, habang
tayo’y nananalangin sa araw na ito para sa paglago ng mga bokasyon sa Simbahan,
hinihimok ko kayong lahat na italaga ang inyong sarili upang maging mga tagataguyod
ng bokasyon sa ating diocesis.
Sa
pagkakataong ito, hayaan ninyong ituon natin ang ating pansin ukol sa nararapat
nating mga pagkilos at gawain bilang mga binyagan upang dumami ang tumugon sa
bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso.
Una, manalangin para sa ikalalaganap ng bokasyon. Kung
ating lilimiin ang pamamaraan ng pagtawag ni Hesus sa kanyang mga Apostol, ang
paghirang niya sa mga ito ay naganap sa konteksto ng panalangin. Bago niya
pinili ang kanyang mga alagad, magdamag na nanalangin si Hesus upang matanto
ang kalooban ng Ama at upang ipagdasal din ang kanyang mga hinirang. (Lc. 6:12-13) Gayundin naman, ang Diyos
ay tumatawag ng kanyang mga alagad sa isang nananalanging komunidad o pamilya. Ayon
kay Papa Benedicto XVI, “ang bokasyon sa pagpapari at pagkarelihiyoso ay bunga
ng madalas na pakikipag-ugnayan sa Diyos at maalab na pananalangin sa mga
pamayanan, pangkat at pamilya.” (Mensahe
para sa 2011 Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon) Ang ating
diocesis, sa pamamagitan ng Diocesan Vocations Commission, ay nagtatag ng “Prayer Warriors for Vocation.” Ang mga
kasapi nito ay nangangako sa Diyos na kanilang araw-araw na ipagdarasal ang
paglago ng mga bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso. Malugod kong
inaayayahan ang lahat na makilahok sa araw-araw na pananalangin para sa
bokasyon, at maging kasapi ng “Prayer Warriors for Vocation”.
Ikalawa, manghikayat ng mga kabataan na maglingkod sa
Simbahan bilang pari o madre. Itinatagubilin din sa atin ng Santo Papa Benedicto XVI
na “bigyang pansin ang mga kabilang sa pamayanan na nakararamdam ng tawag ng
paglilingkod sa Simbahan. Ang Simbahan ay dapat na lumikha ng mga kalagayan at
kondisyon upang tumugon nang buong puso ang mga kabataan sa tawag ng Diyos.” (Mensahe para sa 2011 Pandaigdigang Araw ng
Pananalangin para sa Bokasyon) Aking ipinapamanhik sa bawat pamayanang
Kristiyano, lalo na sa mga pamilya, na pukawin sa kanilang mga kabataan ang
pagtugon sa tawag ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang
inspirasyon at pagsaksi sa buhay pananampalataya; panghihikayat at paggabay na
sundin ang kalooban ng Diyos; at pagpapalalim ng kanilang ugnayan sa kapwa at
sa Diyos. Hinihiling ko rin na inyong taos-pusong suportahan ang mga gawain ng
Diocesan Vocations Commission sa kanilang pag-anyaya sa mga kabataan sa ating mga
paaralan at pamayanan upang sumibol sa kanila ang binhi ng bokasyon. Sa inyong
tulong, magkaroon nawa ang bawat parokya at paaralan sa ating diocesis ng kahit
isang seminarista mayor bilang handog natin sa dakilang pagdiriwang ng
ginintuang hubileyo ng ating diocesis sa susunod na taon.
Panghuli, hinahamon tayong mga binyagan upang isabuhay
ang bokasyong ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa bisa ng Binyag
at sa paglukob ng Espiritu Santo, ang lahat ng mga Kristiyano ay pinagkalooban
ng Diyos ng pangunahing bokasyon na magmahal at maging banal. Tungkulin nating
ipahayag ang paghahari ng Diyos anuman ang ating kalagayan at natatanging
bokasyon sa buhay. Katulad ni Mahal na Birheng Maria na mapagpakumbabang
tumugon sa tawag ng Diyos upang maging Ina ng Tagapagligtas, tahakin nawa natin
ang landas ng kabanalan sa pamamagitan ng tapat at dalisay na pagsunod sa
kalooban ng Diyos. At kung paano tayong naaakit sa buhay at pagkatao ni Maria,
makaakit din nawa ng mga kabataang maglilingkod sa Diyos ang ating tapat na pagsasabuhay
ng ating mga bokasyon.
Sa
pagdiriwang natin ng Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon,
maging bukas nawa ang ating isip at puso upang tayo’y makinig at tumalima sa
tinig ng Mabuting Pastol, na “magdadala sa atin patungo sa buhay na masagana at
ganap.” (Jn. 10:10) Sa tulong ng
panalangin ng La Virgen Divina Pastora,
ang Ina ng Mabuting Pastol, magbunga nawa ang ating mga panalangin at pagkilos
upang patuloy na magpadala ang Diyos ng mga pastol na mangangalaga sa kanyang
bayan.
Ipinagtatagubilin
naming basahin ang Liham Pastoral na ito sa lahat ng mga pagdiriwang ng Salita
ng Diyos at Banal na Misa ngayong Sabado at Linggo, ika-28 at ika-29 ng Abril
2012.
Nilagdaan
sa Tanggapan ng Obispo ng Cabanatuan sa Lunsod ng Cabanatuan ngayong ika-25 ng
Abril 2012, sa Kapistahan ni San Marcos Ebanghelista.
+SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
Obispo ng Cabanatuan