Sunday, March 11, 2012

MENSAHE NG OBISPO

Buong kagalakan kong ipinahahatid ang aking taos-pusong pagbati sa lahat ng mga mananampalataya ng Parokya ni San Jose, ang Kabiyak ng Puso ni Maria sa Brgy. Bangad, Lunsod ng Cabanatuan ngayong pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng inyong minamahal na pintakasi ngayon Marso 19, 2012.

Si San Jose ay isang dakilang halimbawa at inspirasyon sa lahat ng mga Kristiyano sa ating panahon. Ang kanyang tapat na pagsasabuhay at pagpapahayag ng pananampalataya ay tunay na nagbigay-liwanag sa mga taong nasa lilim ng kasalanan at kasamaan. Sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa pagmamahal kay Hesus at Maria, maraming Kristiyano ang naakit sa kanyang pamumuhay at nanghihingi ng kanyang paggabay.

Sa yugtong ito ng ating kasaysayan, lalo sa paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng pagkakatatag ng ating diocesis, tayo ay tinatawagan ng ating Inang Simbahan tungo sa isang “Pinagpanibagong Ebanghelisasyon” na kung saan tayo’y binibigyan ng mahalagang misyon na ipahayag ng buong sigasig sa kasalukuyang panahon ang ating pananampalataya sa salita at gawa. Taglay ang ating malalim na pananalig kay Kristo, maihatid nawa natin sa mundo nang may buong kagalakan at kasigasigan ang Mabuting Balita ng kanyang mapanligtas na pag-ibig.

Sa tulong ng panalangin ni San Jose, nawa’y kasihan kayo lagi ng pagpapala ng Diyos sa maringal ng pagdiriwang na ito ng inyong pamayanan. Maligayang kapistahan sa inyong lahat!


 +SOFRONIO A. BANCUD, SSS, DD
Obispo ng Cabanatuan