Ano ang Pondo Josefino?
Ano Pondo Josefino ay magkatuwang na proyekto ng Parish Pastoral Council at Finance Council ng Parokya ni San Jose . Layunin nito na imulat ang kamalayan ng mga mananampalataya sa kahalagahan ng mga gawaing kabutihan na nagmumula sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Konkretong ipinapakita ito sa araw-araw na pag-iipon ng mga barya para sa lalong mahahalagang bagay.
Ang Pondo Josefino ay pamamaraan ng pamumuhay (a Way of Life). Hindi lamang ito minsanang proyekto kundi pang-matagalang pagpopondo ng pagmamahal, pagmamalasakit at pagkakawang-gawa. Samakatuwid, ang iipunin ay hindi lamang salapi kundi gawang kabutihan, malaki man o maliit.
Ano ang batayang aral mula sa Bibliya ng Pondo Josefino?
Mula sa Mga Gawa ng mga Apostol (2:42-47)
Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin… At nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilan ay ipapamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Ano ang mga pagpapahalagang itinataguyod ng Pondo Josefino?
Payak na Pamumuhay (Simple Lifestyle)
Sa pamamagitan ng Pondo Josefino ang mga mananampalataya ay hinihimok na mamumuhay ng payak o simple. Anumang bagay, pera o ari-arian na sobra na sa kailangan ng tao ay dapat ibahagi sa iba. Kapag namumuhay ang tao ng sobra na sa kailangan niya malaki ang posibilidad na siya ay maging materyoso at manhid sa pangangailangan ng iba. Kaakibat ng payak na pamumuhay ang pagtitipid alang-alang sa ibang tao na nangangailangan.
Pagtanggi sa Sarili (Self-Denial)
Dahil iniisip ang kabutihan o kapakanan ng iba isasantabi ng tao ang kanyang personal na mithiin o kaginhawahan. Magkakaroon ang tao ng kakayahang damahin ang hirap ng iba at bunsod nito ay magsisikap siyang gumawa ng mabuti at mag-isisp para sa kapakanan ng kanyang kapwa. Kaakibat din nito ang kakayang magsakripisyo para sa lalong mabuting adhikain.
Pagkakawang-gawa (Charity)
Nag-iipon ng pera sa alkansiya ang tao hindi dahil sobra o hindi na kailangan kundi dahil alang-alang sa kawang-gawa sa kapwa. Bunsod ng pagmamahal sa kapwa ang pag-iimpok ng mga barya sa alkansiya. Ang naiipon ang konkretong pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa. Hindi namamalayan ng nag-iipon na nakakatulong na siya sa ibang tao.
Para saan ang Pondo Josefino?
1. Ito ay para sa patuloy na pagpapatayo ng simbahang bato ng Parokya ni San Jose.
2. Ilalaan ang kalahating porsiyento nito para sa:
a. patuloy na paghuhubog ng mga lider-layko
b. mga gawaing pang-ebanghelisasyon tulad ng pagtuturo sa mga bata
k. Binyagang Bayan, Kumpilang Bayan, Kasalang Bayan
d. Feeding Program
e. pagtulong sa mga mahihirap na mag-aaral