Sunday, January 6, 2013

DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG MGA PAGDIRIWANG SA TAONG 2013

DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG MGA PAGDIRIWANG
SA TAONG 2013
(Ipinapahayag sa Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon)


Mga minamahal kong kapatid kay Kristo,
lubos ang aking kagalakang ipahayag sa inyo na sa awa ng Diyos,
tayo na sama-samang nagdiwang nang may kagalakan,
sa nakalipas na Dakilang Kapistahan ng Pagsilang
ng ating Panginoong Jesu-Kristo,
ay sama-samang magsasaya
sa darating na pinakadakilang kapistahan ng ating pananampalataya,
ang Pasko ng muling Pagkabuhay ng ating Manunubos.

Dahil dito,
ako’y lubos na nagagalak na ipahayag sa inyo na sa taong ito,
Dalawang libo at labintatlo,
ang panahon ng Kuwaresma ay magsisimula sa ika-labing tatlo ng Pebrero
na siyang Miyerkules ng Abo
at sa ikatatlumpu’ t isa ng Marso,
ipagdiriwang natin nang may kagalakan sa Espiritu,
ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon.

Sa kaganapan ng dakilang limampung araw
sa ika-labing siyam ng Mayo,
ating ipagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes,
ang dakilang handog ni Kristong nabuhay na mag-uli,
handog na nagmula sa Ama para sa Inang Simbahan,
ang handog ng Espiritu Santo.

Gayundin naman,
sa bawat Linggo ng ‘sangtaon
ay sama-sama tayong lahat na magtitipon sa simbahang ito,
upang ipagdiwang nang may pananampalataya
ang paghahain ng Mesiyas sa Banal na Misa.

Atin ding gugunitain
ang mga Dakilang Kapistahan at Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria,
at ang ala-ala ng mga banal.

At sa katapusan ng taong ito,
sa unang araw ng Disyembre,
ay sisimulan nating muli
ang isang bagong taon ng liturhiya ng simbahan,
sa pagdiriwang natin ng Unang Linggo ng Adbiyento
bilang paghahanda sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Kristo

Sa kanya lamang ang lahat ng pagpupuri at parangal
Ngayon at magpakailanman,
Amen. Aleluya!